Daily Archives: January 25, 2015

Bakit Pilipinotown?

EPCC NEWS
Enero 25, 2015

Artikulo

Bakit Pilipinotown?

Ni Arturo P. Garcia

Bago naideklarang Historic Filipinotown ang lugar natin dito sa Temple-Beverly Corridor noong Agosto 2, 20o2 kilalang kilala ang ating lugar bilang Pilipintown o P-Town.

P-Town, bahala ka kung ano man ang kahulugan nito sa iyo.

Noong unang panahon, mula 1920 hanggang 1946, ang lugar ng mga manggagawang bukid o farmworkers na Pilipino ay tinatawag nilang “Little Manila”. ito ay dahil Maynila ang kilala nilang pinangggalingan. Noong panahong iyon, dahil sakop ng Amerika ang Pilipinas, wala pang konsepto ang mga Pilipino na sila ay galing sa isang bansang ang tawag ay Filipinas.

Little Manila

Nagsimula ang Manilatown o “Little Manila” sa lugar ng San Pedro-Willmington area noong 1920. Sa katunayan naroon pa hanggang ngayon ang Pilipino Center sa Wilmington.

Ngunit dahil ang Los Angeles ang kabisera, lumarga papaloob ang mga mangagagawang Pilipino hanggang nanahan sila sa “Little Manila” sa Silangan ng City Hall ng Los Angeles, sa tabi ng Ilog sa timugang ng Los Angeles.

Ngunit noong matapos ang gyera, pinaalis ang mga Pilipino sa “Little Manila” at nataboy sila sa burol na tinatawag na Bunker Hill. Pauunlarin daw ang lugar bilang Civic Center ng Los Angeles ngunit sa totoo, ang nangyari ipinagbili ito ng City Redevelopment Area o CRA sa mga negosyanteng Hapones kaya naging “Little Tokyo” ito matapos ang 1960′s.

Muli, naitaboy ang mga Pilipino sa Temple-Beverly Corridor sa pagtatapos ng dekadang 60. Dahil idedevelop daw ang lugar na financial district ng Los Angeles, tulad ng dati, dahil muling tinamaan ng redeveloment ng financial district ang Bunker Hill noong unang bahagi ng 1960′s. Napatalsik na naman ang mga Pilipino sa lugar na tinawag nilang ‘Pilipinotown.”

Pilipinotown o PTown.

Ngunit sa panahong ito, marami nang prupesyunal na Pilipino ang dumating sa Amerika. Ito ay dahil sa Immigration Act of 1965. Palibhasa masipag at masikap, nakabili sila ng mga ari-arian sa lugar na ito. Hindi lamang mga bahay ang naipundar nila, kundi mga apartments, tindahan, eskwelahan at naging aktibo sila sa kounidad.

Sa katunayan noong 1968, naitayo ang gusali ng FACLA at ang simbahang Pilipino-ang St. Columban. Ang FACLA ay itinayo ng apat na manggagawang bukid na Pilipino noong 1945. At yumabong ito hanggang maitayo ang gusali ng FACLA noong 1968.

Tatak ito ng tatag at tayog ng pangarap at makabayang diwa ng mga Pilipino sa Los Angeles.

Ngunit hindi lahat ng landas sa tagumpay ay maaliwalas. Noon pa mang 1994, nais na ng mga Pilipino na makapagtayo ng Pilipinotown nila. Ngunit likas na malakas ang rehiyunalismo at ingatan nasa mga lider Pilipino ang kani-kanilang prestihiyo at pangalan, nag-away-away ang mga ito.

Limang grupo ang nais maging mayor sa pagkakadeklara ng Pilipinotown noong 1994. Sa kasamaang palad, nag-away sila sa harap ng mga opisyal ng gobyerno. Walang naidkelarang Pilipinotown dahil dito.

Sa Wakas, Historic Filipintown, 2002

Umabot pa ng higit sa walong taon bago muling nagkaisa ang mga Pilipino-Amerikano para maideklara na Historic Filipintown ang lugar na ito. Bakit Historic? Kompromiso ito upang walang pag-awayan ang mga grupong nais maging mayorsa lugar na ito.

Mapagpasya ang papel ng Pilipinotown Inc sa pagtutulak ng pagkakadeklara ng Historic Filipinotown. Katunayan ang yumaong Dr. Jay Valencia, ang unang mayor ng Pilipinotown Inc ang magiting na nagtulak ng konseptong ito hanggang ideklara ng City Council ang Historic Filipinotown noong 2002.

Nakahanda ang Pilipinotown Inc na ipagpatuloy ang tungkulin nitong itaguyod ang mga karapatan ng mga Pilipino-Amerikano sa lugar na ito at sa buong Los Angeles at saan man.

Tulad ng sinabi ni Carlos Bulosan; “Wala sa pangalan ang halaga ng isang bagay. Nasa puso ang Amerika.”

****