Daily Archives: June 11, 2015

CHACHA:MANIOBRA NG MGA BENTADOR

WIKA KO
Hunyo 10, 2015

CHACHA: MANIOBRA NG MGA BENTADOR

Ni Rogelio Ordonez

Kapag namaniobra ng mga bentador ng pambansang soberanya sa diumano’y “marangal” na Kongreso ng Republikang Mamon ang iginigilgil na CHA-CHA o mga susog o pagbabago sa umiiral na 1987 Konstitusyon, ganap na nilang ipalalamon sa maluwang na bunganga ng dayuhang imperyalistang mga interes ang pambansang kapakanan at maging ang kinabukasan ng susunod na mga henerasyon ng laging inaaliping Indio.

Sa pendehong dahilang dadagsa sa bansa ang dayuhang pamumuhunan (foreign investment) at makatutulong diumano ito sa kaunlaran ng Pilipinas, lalamutakin ng mga kinauukulan ang mga probisyong pang-ekonomiya ng kasalukuyang Konstitusyon upang maiakma sa ganid na panlasa ng kanilang mga panginoong dayuhang lagi nilang sinasamba at masugid na hinihimod ang mga pundilyo.

Ipahihintulot na sa sasalamangkahing Konstitusyon ang 100% kontrol o sosyo ng dayuhang mga negosyante (ngayo’y 60% sa Pilipino at 40% lamang sa dayuhan). Ipahihintulot na rin sa dayuhang mga kapitalista na makapagmay-ari ng mga lupain at gusali rito gayong, sa kabilang banda, nananatiling libag lamang sa singit at leeg ang sariling lupa ng maraming miserableng Pilipino at wala ni isang dangkal na lupang mapaglilibingan ang maraming magsasaka dahil sa kainutilan ng gobyernong ipatupad ang tunay na reporma sa lupa,.

Lalo na nga sa Hacienda Luisita na lumilitaw na matibay na kuta ng mapagsamantalang uri. Ipahihintulot din na pasukin din ng dayuhang mga kapitalistang ito maging ang pambayang mga utilidades (public utilities), gaya ng transportasyon at telekomunikasyon, serbisyo sa tubig at kuryente, mga ospital at paaralan, at maging ang mga daluyan ng pangmadlang komunikasyon (mass media) na, kung tutuusin, ay dapat na hawak lamang at kontrolado ng mga Pilipino alang-alang sa pambansang seguridad.

Kung mangyayari ang mga nabanggit, na malamang na mangyari dahil sagad-buto ang paghahangad ng mga hunyango’t impakto sa Kongreso na mapaligaya ang dayuhan nilang mga panginoon, waring isa tuloy na kaibig-ibig at nakabibighaning babae lamang ang Pilipinas, ganap nilang huhubaran at puwersahang ibubukaka upang walang habas at paulit-ulit na gahasain ng mga diyus-diyosang higit nilang pinaglilingkuran kaysa tunay na pambansang kapakanan.

Batay nga sa mga pag-aaral tungkol sa dayuhang kapital, lumilitaw na sa bawat isang dolyar nilang pinuhunan sa ating bansa, tatlong dolyar naman ang kanilang naiuuwing tubo na hindi naman muling pinupuhunan dito upang makalikha nga ng trabaho’t oportunidad para sa nakararaming mamamayang dayukdok at titiguk-tigok ang lalamunan.

Huwag kang hangal, Indio… huwag kang maniwalang magtutungo rito ang dayuhang mga kapitalista upang pangalagaan ang kapakanan ng pinakamamahal mong bayan. Natural, ang gahaman nilang mga interes ang kanilang pangangalagaan, at iyon ay ang nakalululang mga tubo (profit), alipin ka mang lubusan, sipsipin ang iyong dugo, at ngasabin ang iyong laman! IIto ang tinatawag noon ng yumaong makabayang Sen. Claro M. Recto na BAGONG PANG-AALIPIN.

Tuloy ang pakikibaka laban sa mga bentador ng pambansang soberanya!

****