HULING SONA NI PNOY, HULYO 27, 2015

BANTAY-PILIPINAS NEWS
July 28, 2015

WIKA KO
Hulyo 27, 215

HULING SONA NI PNOY, HULYO 27, 2015

Ni Rogelio Ordonez

Kung totoo ang mga buladas ni P-NOY sa kanyang huling SONA, aba’y napakahangal mo na kung mandarayuhan ka pa sa ibang mga bansa upang magpaalila sa mga banyaga para madulutan mo ng kaunting kaginhawahan sa buhay ang pinakamamahal mong pamilya sa La Tierra Pobreza.

Hindi mo na rin marahil nanaising sumama sa akin kapag bumalik ako sa planeta kong Jupiter, Panahon na nga yatang maghosana kayo, maghaleluya, sa mga diyus-diyosan at hari-harian sa lipunan ng mga mandarambong at mapagsamantala.

Mahalimuyak na, diumano, ang nasimulan nang kaunlaran at pagbabagong panlipunan at napakalaki ang pag-asang makaagapay na ang bansa sa mauunlad na mga bansa sa mundo.

Pero, tanggapin na — sa kapakanan ng argumento — umuunlad nga ang pambansang ekonomiya, sino nga ba lamang ang nagtatamasa sa mga biyaya nito? Nakikinabang ba ang masang sambayanan?
Napaunlad ba ang kalagayan sa buhay ng busabos na mga manggagawa’t magsasaka? Hindi na nga ba nagpipisil ng sikmura ang ordinaryong mga Pedrong Tigas at Juanang Basa? Nabawasan na nga ba ang bilang ng mga mamamayang kulang sa kanin, kulang sa pera, kulang sa damit, walang bahay, walang lupa, walang-wala?

Batay rin sa mga estadistika, 15% lamang ng populasyon ang patuloy na naglulublob at nagtatamasa sa 50% ng pambansang kita at 85% ng populasyon ang nag-aagawan sa natirang 50% kaya, kung baga sa isda, baka bituka, pispis, tinik at kaliskis na lamang ang makaparte ng bawat isa sa kanila.

Isa pa, batay sa pag-aaral ni Padre John Doherty, SJ, at pananaliksik ng mananalaysay na si Stanley Karnow (may-akda ng “In Our Image”}, 60 pamilya lamang ang mahigpit na kumukontrol sa pambansang pulitika’t ekonomiya.

Hanggang hindi nababago ang ganitong napakasamang balangkas ng lipunan — na pinalulubha pa ng talamak na inhustisya’t katiwalian ng uring hari-harian (malalaking gahamang kapitalista, mapagsamantalang mga propiyetaryo’t asendero, at mandarambong na mga pulitiko, bukod pa sa dayuhan nilang mga panginoon) — malabo pa sa burak, sa aba naming palagay, na maambunan man lamang o tamasahin pa nga ng dayukdok na masang sambayanan ang anumang ipinangangalandakang pag-unlad ng ekonomiya at ng bansa sa kabuuan.

Hindi tuloy naming maiwasang maalaala ang sinabi ni Malcolm X, Itim na lider noon ng mga karapatang sibil sa Amerika na ibinilanggo ng limang taon at binaril at napatay nang malaon sa Harlem’s Audubon Auditorium noong 1965:

“Nakikibaka tayo para kilalanin tayo bilang tunay na mga tao. Walang sinumang magbibigay sa inyo ng kalayaan. Walang sinumang magkakaloob sa inyo ng pagkakapantay-pantay at katarungan. Kung tao ka, agawin mo ang mga iyon!”

SONA ba o SOFS (State of the Nation’s Fashion Show)? Lintik talaga ang papormahan, pagarbuhan at pasiklaban ng “mararangal” na mga kinatawan ng bayan sa maringal na Bulwagan ng Sarsuwela!

Haleluya! Purihin ang mga Diyus-diyosan sa kaitaasan!

****

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>